Napag-alamang isang batang lalake na itatago na lang natin sa pangalang Justin ay nangurot ng isang batang babae na di na namin natukoy pa ang pangalan. Ngunit kung ihahalintulad mo ang katawan nila ay kung gaano naman ang itinaba ng isa ay ganoon naman kapayat ang isa. Kinurot ni Justin si Babae sa braso nito ng walang pagdadalawang isip. Wala pa rin kaming matukoy na sapat na rason kung bakit nya nagawang kurutin yung batang babaeng iyon na tila nagngingitngit na sa galit dahil sa pasakit na dulot ni Justin Kalbo. At ang kapatid ni Justin na itatago na natin sa pangalang Lance ay di rin nakapagpigil. Nakikurot na rin siya tulad ng kanyang kakambal. Buti na lamang at di iyakin ang batang babae kundi isa na itong malaking skandalo na baka talunin pa ang walang kamatayang Watergate Scandal sa USA. Hanggang ngayon ay di pa rin nakahingi ng paumanhin ang dalawa dahil ayaw nila.
Kambal na mala-Shaolin Kids: Tatlong Taong Gulang Na!
November 7, 2000 ay ipinanganak ang kambal na mala-Shaolin Kids na nagngangalang Justin and Lance (PAUNAWA: Di po galing sa NSYNC ang pangalan nila. Di kilala ng mga magulang nila ang naturang Boy Band). Parang ang bilis ng panahon, tatlong taong gulang na sila. Dati rati ay di pa sila marunong maglakad mag-isa, madalas pang magpakarga at di pa nagsasalita. Ngayon, kumakaripas na sila sa pagtakbo at mahilig pang magdaldal. Kilala nga nila ang F4 at talo pa nila ako kasi di ko sila kilala. Tapos meron silang imaginary friend na kung tawagin nila ay Bonakid. Minsan ay bigla na lamang iiyak ang isa sa kanila at magsusumbong na inaway daw sya ni Bonakid. Yung isa pa nilang imaginary friend ay si Baby BonBon. Di ko alam kung sino sya pero parang ang saya saya nila pag binabanggit nila yun. At meron silang mga terminong di ko maintindihan na mga ka-edad lang yata nila ang nakakaintindi. Minsan kasi, maririnig ko sila na nagsasabi na bibili daw si Lolo ng Paskot. Hay... mga bata nga naman. Hehehe! Happy Birthday sa inyo Justin and Lance kahit alam kong di nyo pa ito binabasa.
Kahapon lamang ay ipinagdiwang ang taunang ENG Day sa Pamantansang De La Salle. Sa Food Fest pa lang ay natanaw ko ang pila na kasinghaba ng pila ng huling pelikula ni Sharon Cuneta at Aga Muhlach. Makikipila na sana ako doon sa pila para sa pagkaing nakahanda para sa faculty total andon naman yung thesis adviser ko. Hehehe! Ngunit may hiya naman rin ako kahit papaano kaya't di na ako pumila.. kumain na lamang ako sa labas ng campus. Mga bandang 2pm ay nakita ko pa rin na may pila pa rin pero kumonti na yung tipong parang nilalangaw na sa takilya ang isang pelikula. Napag-interesan ko ang Dirty Ice Cream doon kahit na ako'y inuubo na at sinisipon. Pagdaan ko sa machine shop ay nakangiti si Mang Romy, ang all-around foreman doon, na kumakain ng dirty ice cream at binanggit pa nya na kuha daw ako ng sorbetes doon. Dahil naengganyo ako, muli akong bumalik ngunit sa kasawiang palad ako'y naging biktima... biktima dahil sa di ko man lang nalasap ang kakaibang tamis at lamig ng libreng sorbetes. Naalala ko tuloy si Jughead ng Archie Comics. Kasi ba naman, ang kanyang gamot ay sorbetes sa tuwing siya ay magkakasakit at epektibo sa kanya yun.
Nananahimik sa Isang Tabi: Muntik ng tamaan ng Soft Ball at Bubog
At ang Headline ngayong gabi, isang babae na ginagawa ang proyekto sa Machine Shop, muntik tamaan ng ligaw na softball at ng mga tumalsik na bubog. Softball.... PASOK! At talagang pumasok nga ang Softball sa loob ng V108B ng Velasco Building ng DLSU habang nanahimik ako sa pagfafile ng Aluminum. Talagang pinwersa ng Softball na makapasok sa nasabing silid na naging resulta ng pagkakabasag ng isang salamin na halos katabi ko lang habang ginagawa ko ang aking trabaho. Nagulat na lamang ako sa aking paglingon na may Softball na nakapuslit sa loob ng silid at mga bubog na nagkalat at for the record, ang pinakamalapit na bubog na natagpuan ko ay 6inches ang layo sa akin. Sino ba naman ang di kakabahan di ba? Sino ba naman ang di magagalit sa nasabing nangyari? Kinalma ko na lang ang aking sarili at nagpatuloy sa aking ginagawa na tila walang nangyari. Gusto ko silang murahin pero yung ginagawa ko na lang yung pinanggigilan ko. Di ba nila alam.. na maaari akong mapinsala sa pangyayaring iyon. Kahit ba sabihin nilang di nila sinasadya na doon mapunta ang Softball na mukha talagang matigas dahil para itong higanteng bala na tumama sa bintana ay di pa rin yun sapat na dahilan kasi responsibilidad pa rin nila yung kaligtasan sa paligid nila. Kung sakali man na ako'y napinsala nila, sigurado akong kawawa ang professor nila sa PETEAMS dahil siya ang namamahala doon. Hanggang ngayon ay di ko pa rin matukoy kung sino ang salarin na nagpalipad ng bola doon at ang propesor na may hawak ng klase. Kaya't kung may kakilala man kayong may klase ng Thursday sa Soccer Field ng DLSU-Taft ay sabihin nyo agad sa akin.
Kanina bago tuluyang lumabas ng bahay, dumungaw ako sa bintana at nakita ko na tila mataas ang sikat ng araw. Paglabas ko ng garahe ay nagulat na lamang ako na basa ang kalsada. Inisip ko na lamang na umulan siguro nong ako'y natutulog pa. Ngunit mali pala ang aking suspetsa. Paglabas ko ng aming gate ay umuulan pala. Dali dali kong nilabas ang aking payong at binuksan ito upang di ako mabasa ng ulan at syempre para di lumala ang aking sakit. Habang naglalakad ako ay napaisip na lang ako sa mga sinasabi ng matanda na kapag umuulan daw habang mataas ang sikat ng araw, ang ibig sabihin daw non ay may kinakasal na tikbalang. Pagkatapos non, tinignan ko muli ang kalangitan at naghahanap ako ng bahaghari. Napag-isip na naman tuloy ako kung bakit walang bahaghari kasi umuulan nga tapos mataas din ang sikat ng araw. San kaya nagtago ang mga iba't ibang spectrum ng ilaw na yun na matagal tagal ko na ring di nakikita. Para kasing ang sarap sarap tignan ng bahaghari dahil sa makulay ito. Kulang lang siguro talaga ako sa tulog kung bakit bigla ko naisip yang mga yan habang naglalakad.
Ang Friendster ay talagang nagiging household name na dito sa Manila. Isipin mo na lang, kahit saang computer shop ka magpunta, di maaaring mawala ang Friendster sa History ng sites visited ng lahat ng terminal na andon. Maging sa mga computer lab sa unibersidad na kung saan ako nag-aaral ay ganoon din. Maging ang ilang guro gawa man talaga nila o ang mga mag-aaral na paborito silang pagtripan o dahil talagang mahal na mahal nila ang guro nila iyon kaya nila nagawan ng Friendster account. At maging mga paaralan, village, o kaya mga tambayan ay ginagawan na rin ng Friendster account. At masnakakagulat din kasi pati mga bisyo tulad ng Yosi, Beer at kung anu-ano pa ay may Friendster Account na rin. At dahil sa maraming humaling na humaling na sa Friendster ay meron pang Friendster Exclusive Party na nabasa ko sa aking Bulletin Board kamakailan. At heto pa, kanina lang nong naglalakad ako sa ground floor ng University Mall, ay may nakita akong mga kamiseta. Hulaan nyo kung ano ang nakalagay. Ang nakalagay ay ang sikat na sikat na smiling face na logo ng Friendster at ang wikaing "Let's be Friendsters". At dahil nga maraming nahuhumaling dito ay may mga narinig akong mga gustong bumili ng nasabing kamiseta. Hehe!
November 1--I spent that whole day in Siniloan, Laguna, our hometown. I just brought my book Dream Keys which is about interpreting dreams, my discman with CDs for soundtripping purposes and our digicam for practicing my eye for photography. The cemetery was a great shoot location so that I could try on new subjects. And yes, it was fun practicing photography. Also, I never failed to make the giant candle ball that has been a ritual for me every All Saint's Day.